Get me outta here!

Buhay at Pagsusulat (Life and Writing)



Ang buhay ay isang pagsusulat, tayo ang writer at ang obra ay ang ating sarili. May mga taong goal-oriented, yung mga tipong isusulat muna nila kung ano ang gusto nilang marating ng kuwento at saka ilalahad ng maayos ang buong katha. Kumbaga ay narito ang climax, ang pinakamasayang parte ng iyong buhay, ang happy ending na hindi naman talaga ending, ang sukdulan ng tensyon; at narito ka, sa ibaba, dahan-dahan at isa-isa mong inilalatag ang hagdan upang ang climax ay iyong maabot. Para kang pumapadyak sa accelerator hanggang sa tuluyang umandar ang sasakyan; para kang umaakyat sa bundok hanggang makarating sa tuktok. Mahirap ang mga pagdadaanan mo, pero in the end, sulit kasi pinagplanuhan mong maigi ang lahat.

Pero minsan, sadyang may hindi umaayon sa plano mo. Punong-puno ng conflict. Biglang ganito, biglang ganyan; akala mo ganito, akala mo ganyan; tapos may susulpot na pasaway, sisirain ang lahat ng plano mo. Minsan darating sa buhay mo na tinatamad ka nang magsulat, na parang ayaw mo na. Minsan parang nararamdaman mo na ang hirap abutin ng climax, kinukulang ka sa eksena, ang pangit ng mga chapters, ang pangit ng mga tauhan, ang pangit lahat. Ililipat mo sa unang page, babasahin mo ang iyong sinulat at mari-realize mo na pangit pala talaga. Hindi ka naman pala talaga creative. Minsan naiisip mo na itapon na lang ang sinulat mo, pakamatay ka na lang, wala namang kwenta. Pero hindi ka ba nanghihinayang? Ang layo na ng narating mo ah? Nasa chapter 8 ka na, konti na lang matatapos mo na. Tandaan mo, first draft pa lang naman yang ginagawa mo, hindi pa huli para baguhin ang ilang pagkakamali. Baka kulang ka lang sa revise, o baka naman kulang ka lang sa tulog?

May mga tao naman na episodic ang buhay. Yun bang feeling nila may isang bahagi ng buhay nila na paulit-ulit na nangyayari. Papasok sa grade 1, babagsak, magre-repeater. Papasok sa grade 2, babagsak, magre-repeater uli. Papasok sa grade 3, babagsak, magre-repeater na naman. Magte-test sa UP, failed; magte-test sa PUP, failed na naman; TUP, failed; PNU, failed. Paulit-ulit-ulit na lang. Minsan tuloy di mo na alam kung ano ang dapat mong isipin. Tama ba na tanggapin mo na lang na ganon talaga ang takbo ng kwento? O baka naman pwede pang baguhin ng kaunti ang plot? Subukan mo kayang magdagdag ng tauhan? Yun bang ka-love team. Halimbawa, si Pedro, mai-in love sa teacher niya kaya makakatapos siya ng grade six na hindi na magre-repeater. O kaya, lagyan mo ng ibang device para tumakbo ng maganda ang mga pangyayari. Halimbawa, makakatagpo si Juan ng isang potion na makakatulong sa kanya para makapasa sa lahat ng entrance exams. Gawin mong mas thrilling ang kwento para mawala ang pagiging episodic. Marami namang paraan, kung wala nang paraaan, gawan mo ng paraan.

Ang buhay ko naman, isang kwentong walang kaayusan. Yung walang plano, walang outline. Yung basta ka na lang haharap sa computer, tapos may maiiisip ka, tapos ita-type mo. Type lang ng type hanggang sa mabuhos mo lahat ng nasasalaman ng utak mo. Mind poured over paper ika nga. Parang mantika na isasalin mo sa bote ng Tanduay. Yelo na inilalagay sa water jug. Parang sigarilyo na ipinapagpag sa ashtray. Pagpag ka ng pagpag hanggang sa malaglag lahat ng upos. Pero minsan, mauubusan ka ng isusulat, wala nang mantika, tunaw na ang yelo, ubos na ang sigarilyo, wala ka nang maibuhos. Limang oras ka nang nakaharap sa letseng monitor pero wala ka talagang mai-type. Magsisisi ka, dapat pala inayos mo na yung plot nung una pa lang, dapat inarrange mo muna yung mga scenes, sana may outline ka na sinusundan. Kaso wala eh, disorganized ang buhay mo, buhos dito, buhos doon, buhos saan-saan, uubusin mo ang laman. Itatapon mo lahat. Sana hindi ka maubusan ng itatapon, sana hindi maligaw ang istorya, sana hindi ka maligaw ng landas.

Tulad ng mga kwento, may iba’t-ibang uri rin ng denounment o katapusan. Pinaka-common na yung happy ending na hindi naman talaga happy, at hindi naman talaga ending. Nakakalimutan na kasi ng tao na ang buhay natin ay isang trahedya, hindi na mababago yun. Ang ending ng Cinderella, hindi naman talaga happy eh, pagkatapos nilang magsama ni Prince Charming, marami pang nangyari. Nagkaanak sila, nagka-apo, hanggang sa tumanda si Cinderella, nagkasakit at namatay. Umiyak si Prince Charming, hindi na happy. May mga ending naman na hanging, nakabitin, hindi mo alam kung anong nangyari, basta ayun, tapos na, question mark ang dulo. Kinasal ba siya? Nagkaanak ba sila? Lalaki ba o babae? Kambal ba? Kailan bibinyagan? Sinong ninong? Ano? Patay ang bata?

May mga ending naman na nakakapanghilakbot talaga, karumal-dumal. Ni-rape, tinorture, sinaksak ng adik, pinugutan ng terorista, tsinap-chop, itinapon sa ilog, isinako, binitay, kinaladkad ng sasakyan. Karamihan sa ganyang mga ending, unexpected talaga. May twist na tinatawag. Akala mo mahaba pa, kamukat-mukat, tapos na pala. Kanina lang ang saya-saya niya tapos, bigla-bigla, sinaksak na pala, tapos ang kwento.

  Ang buhay ay isang pagsususulat, kukuha ka ng ballpen at sisimulan mong magsulat. Kung paano mo isusulat, nasa sa iyo na iyon. Ang mahalaga, makarating ka sa pupuntahan mo, makarating ka sa Quiapo, makarating ka sa ending, matapos mo ang kwento, happy man yan o hindi. At siyempre, kailangan maganda ang isinusulat mo, yung tipong babasahin ng iba, tapos kabibiliban. Huwag mong kalimutang isa-alang alang ang reaksyon ng iyong mga readers, dahil anong silbi ng sinulat mo kung walang gustong magbasa nito? Pero ang pinaka-importante sa lahat, dapat, masaya ka sa isinusulat mo. Kuntento at walang pagsisisi.
Ganito ang magsulat. Ganito ang buhay.


*First posted on (my now defunct) Friendster Blogs, December 8, 2005

2 comments :

  1. Anonymous5:28 PM

    ahahahaha.nakakatawa nmn ung mga examples mu.pero astig.mahusay pra sa isang computer programmer.pabasa mu pa skn ung iba,a.:3

    ReplyDelete
  2. bihira lang ako magsulat ng non-fiction eh, he he, check mo archive sa gilid sa taas, may sinulat ako nung May na non-fiction

    ReplyDelete