Get me outta here!

Train (cont)

"Siya yun."

"Sino?"

"Yang papasok", sinenyasan ni Armand ang babaeng kaibigan para tingnan ang estudyanteng pumapasok sa front entrance ng eskwela.

"Yung kinuwento ko sa 'yo", tiningnan ni Armand ang kausap, kinukunot ang kilay, kinukumbinse na alam dapat nito ang tinutukoy niya.

"Ah", gets na ng kausap.

"Ganda 'di ba?" Tumingin si Armand, sa kaibigan, nakataas ang dalawang kilay, hinihintay na may sasabihin itong maganda.

Sinipat naman ng kausap ang dalagang tinutukoy, habang pinapakita nito ang ID sa guard na nakabantay sa pintuan. "Ok lang. Maputi."

"Sus, di ka marunong tumingin," dismayado si Armand sa reaksyon ng kaibigan, muli siyang tumingin sa babaeng tinutukoy. Naglalakad na ito at papunta sa direksyon nila. "Hello Kristine!" Lumingon ang babae kay Armand, na hindi inaasahang may tatawag sa kanya. "Naalala mo pa ko?" Tiningnan siya nito sa mukha, "noong nag-enroll ka..."

Unang nakita ni Armand si Kristine noong araw na nag-enroll ito sa TUP. Nagtrabaho ang binata noon sa eskwela bilang SA (Student Assistant), kaya nang nag-enroll ang dalaga, tiyempong siya ang nasa Admissions, at siya ang nag-handle ng mga papeles nito.

Katamtaman ang tangkad at kulot ang buhok ni Kristine. Malapad ang mga balikat, at may kalakihan ng kaunti ang mga braso at hita. Simple lang ang mukha, may pagka-pango ang ilong at may mga bakas ng tigyawat sa pisngi. Pero kahit hindi ganoon kagandahan, pansinin pa rin siya dahil sa mala-gatas na kutis. Kumukuha siya ng kursong Computer Education, hindi naman masyadong matalino, pero masipag mag-aral, at sa batak niyang katawan makikitang may pagkahilig siya sa sports. Tahimik pero palakaibigan, mahiyain pero masayang kausap.

Unang kita pa lang ni Armand kay Kristine eh tinamaan na agad ito. Love at first sight? Ewan lang natin. Nang nagpasa ng High School report card ang dalaga, itinabi agad ito ni Armand. Tinanong niya ang pangalan at nakipagkwentuhan siya dito habang naghihintay na ma-process ang admission. Pagkaalis ng dalaga, kinopya agad ni Armand ang address ng bahay, cellphone number at e-mail address mula sa form na ipinasa nito. Stalker? Malamang.

"Ah, kuya ano..." Pilit inaalala ni Kristine ang pangalan ng lalaking bumati sa kanya.

"Armand."

"Kuya Armand. Ayun.."

"Kumusta naman ang first week?" May 3 meters din ang agwat ng magkausap, pero feel na feel ni Armand ang batian nila, na halos isinisigaw na niya ang bawat salita, kahit pa maraming nagdaraang panay ang harang sa kanilang dalawa.

"Ok lang", sabay ngiti.

Nag-isip si Armand ng isasagot - o itatanong. Gusto pa niyang pahabain ang conversation pero naba-blanko ang utak niya. Magtanong kaya ako tungkol sa lesson? Hindi, magkaiba kami ng course. Kung nakatulog siya ng mahimbing kagabi? Hindi, ang creepy nun. May boyfriend ka na ba? Hindi, masyadong presko. Pwede ka bang ligawan? Ang bilis masyado. Isip, Armand, isip.

"Sige kuya, punta na ko sa klase. Late na ko."

Wala nang nasabi si Armand. Boo! Ngumiti na lang siya at naglakad na palayo si Kristine. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa mawala ito sa crowd ng mga estudyanteng may kanya-kanyang business nang araw na yun.

Nilingon ni Armand ang kaibigan na nakaupo sa gilid ng pasilyo nang may ngiti sa mukha na abot hanggang tainga. "Masaya ka na niyan?" tanong nito.

"Kinausap niya ko... Cheska, kinausap niya ko!?!" ang di makapaniwalang sigaw ng binata.

"Oo, nakita ko, adik." Naupo si Armand sa tabi ng kaibigan, hindi pa rin naaalis ang bungisngis na naka-super glue sa mukha nito.

First year pa lang magkaibigan na sila Cheska at Armand, pareho sila ng kurso na Computer Science. Matalino tong si Armand, Dean's lister, . Hindi masyadong katangkaran, kulay tsokolate ang balat, balot ng tigyawat sa noo, at may makakapal na salamin na dulot ng myopia. "I think I'm in love." Bulalas ni Armand habang nakatitig sa bakanteng ispasyo sa pagitan ng kisame at ng mural sa pader na nasa harap nila.

"Palagi naman eh. Basta nginitian at kinausap ka, in love ka na kaagad. Hindi yan laro, ok?" Sagot ni Cheska habang nilalabas ang kikay kit nito.

"At nagsalita ang wagas magmahal. Speaking of wagas, ano nangyari sa inyo ni Gob?"

"Wala na kami. Mission accomplished." Sabay bukas sa foundation.

"Ooops, you did it again. Hindi ka ba nagsasawa?"

"Nagsawa, kaya nga ko nakipag-break eh."

"Ang ibig kong sabihin..." ina-assemble ni Armand ang mga tamang salita sa bibig, oo itinuturing nila na kaibigang matalik ang isa't-isa, pero ayaw naman niyang masaktan ang dalaga. Medyo sensitive din 'to pagdating sa usapang puso. "Nakailang boyfriend ka na? Ever since?"

Saglit tinigil ni Cheska ang paglalagay ng blush on sa mukha at tumingin sa kausap. "Lahat-lahat? O yung seryoso lang?" hindi na siya naghintay ng sagot, "ewan, sampu? Ay hindi... eleven... pang-twelve si Francis."

"Kitam, ilang taon ka na? 18? 19? Samantalang ako no girlfriend since birth."

"So anong point mo? Malandi ako, ganun?"

"Hindi..." kinunot ni Armand ang noo at tumingin saglit sa kisame, sabay balik ng mata kay Cheska, "Oo. Konti. Gets mo naman ako 'di ba? Hindi ka ba nagsasawa na ganyan, labas-pasok ka sa relasyon..."

Napatigil si Cheska sa sinabi ng kaibigan. Tiniklop ang foundation, niligpit ang ibang gamit at binalik sa bag. Naglabas ng hair-brush at aktong susuklayin ang buhok pero hindi itinuloy. Tahimik namang nag-aabang si Armand ng reaksyon. "Tara na, akyat na tayo."

Alam na ni Armand. Pag ganitong sitwasyon, hindi na dapat siya magsasalita. Dinampot na lamang niya ang bag at sinundan ang kaibigan paakyat ng hagdan.


***

"Pa-upo", bulong ni Andrea sa kaklase.

Inatras ng kaunti ni Kristine ang armchair para makadaan ang dalaga. Umupo ito sa tabi niya. "Anong nangyari sa 'yo?" Nagsimula na magsalita ang Propesor nila kaya binabaan lamang ng dalawa ang kanilang mga boses.

"Mahabang kwento."

Hindi ugali ni Andrea ang ma-late, sinisigurado niyang palagi siyang maaga magising. Pero hindi naging mabait itong umaga. Nagising siya mula sa putol-putol ang tulog -na dala na rin ng pamamahay- sa isang bagong bahay. Napagdesisyunan ng Nanay niya na sa bahay ng Ninang niya siya manunuluyan hanggang maka-graduate. Ok lang sana, kung hindi lang sa isang maliit na problema: ito rin ang bahay ng kababata niyang si Kiko.

Nang umagang yon, nagsasangag si Andrea ng hindi niya napansing bumaba si Kiko. "Timpla mo nga kong kape." Nilingon ng dalaga ang binata. Nakaupo ito sa may dining table, nakahampas ang likod sa silya, tulala ang mata at may tuyong laway sa pisngi. Saglit tiningnan ni Andrea ang kababata, nag-iisip ng sasabihin. Nang hindi siya pinansin nito, nagtungo siya sa cabinet sa tabi ng refrigerator at kinuha ang garapon ng kape, asukal at isang sachet ng creamer. Sa ibabaw ng cabinet, kumuha siya ng tasa mula sa lagayan ng plato, isang kutsarita. Inilapag niya ito sa dining table, sa kabilang kabisera ni Kiko, sa tabi ng thermos.

"Paanong timpla ang gusto mo?" Nag-aalangang tanong ni Andrea. Hindi umimik si Kiko. Nakatitig ito sa bakanteng espasyo na ibabaw ng kalan. Ilang sandali pa, nagtimpla na ang dalaga ng kape. Iniabot niya ito sa binata, at nang hindi pa rin ito umimik, bumalik sa pagluluto. "Hintayin, mo na lang tong kanin, may ulam na d'yan."

"Si Mommy?"

Sa wakas, nagsalita din si Kiko. Pinatay ni Andrea ang kalan, iniangat ang kawali gamit ang pot holder. "Maaga siya umalis. Alas-siyete daw yung flight niya."

"Ay putek, oo nga pala, ngayon nga pala alis niya. Bakit 'di niyo ko ginising?"

"Ginigising ka namin kanina, kaso, tulog na tulog ka eh."

Mabilis na tinungga ni Kiko ang kape nito, balewala ang init. "Ang tabang", sabay tayo, "anong pangalan mo ulit?"

Ikinagulat ni Andrea ang tinuran ng kababata. Hindi niya ko naalala? "Andrea." Nang walang sagot ang binata, nagpatuloy pa siya, "hindi mo ba ko... naalala?"

Tumigil si Kiko sa paglalakad, sinipat si Andrea mula ulo hanggang paa, sabay sagot, "Ha?" pumasok ng kuwarto ang binata, at lumabas din agad na may dala-dalang t-shirt. "Plantsahin mo nga 'to."

Nabigla si Andrea sa sinambit ng kababata. Hindi mo ko katulong. Pero mas maigi nang isara na lang niya ang bibig niya. Nakikitira lang siya kina Kiko, kaya trabaho niya ang tumulong sa mga gawaing bahay. Masama ang gising niya, o baka bad trip lang. Lasing siya kagabi, hang-over lang to. Baka may mabigat siyang problema. Tinitigan niya ng masama ang lalaki, pero hindi siya napansin nito.

Tahimik lang sila nang umagang yun. hindi alam ni Andrea ang sasabihin, at mukha namang walang balak makipag-usap sa kanya si Kiko. Pagkatapos kumain ng binata, dumiretso na ito sa banyo upang maligo, habang tinatapos ni Andrea ang pinaplantsang damit nito nang may pagkainis dahil alam niyang male-late na siya sa klase. Pagkatapos magplantsa, ini-hanger niya ang t-shirt sa gilid ng aparador, at umalis nang hindi nagpapaalam.

Naglalakad na magkaakay sila Andrea sa walkway nang hatakin si Kristine ng isa nilang kaklase. "Sumama ka sa 'min dali." patiling aya ni Ramelyn.

"Saan?", tanong ni Kristine.

"Naalala mo yung type mong taga Engineering? Guess what, Senator pala siya ng USG," paliwanag ni Ramelyn habang kinakaladkad ang magkaibigan.

"Hoy, hindi ko yun crush no, ikaw may gusto dun eh."

"Charing, wag ka na nga mag-deny. Hay naku, basta, sumama ka sa 'kin. Pupunta tayo ng USG office tapos kunwari manghihiram tayo ng raketa ng badminton."

"Raketa?"

"Oo, nagpapahiram sila ng mga badminton, bola, mga sports chenes na yan. USG project ata. Iiwan lang natin yung reg. form natin. O 'di ba, bongga ng plano ko 'di ba?"

"Hay naku Ram, ang landi mo.." pabirong sabad ni Kristine.

"Alam ko yan, teh. If I know gusto mo ring masilayan ang kanyang faceness ever. Ha ha ha! Tara na, dali!"

Mabilis na naglakad ang tatlo papuntang USG office na nasa dulo ng eskwelahan. Kumatok sila sa loob, sumilip sa pinto, at pinapasok ng isang officer.

Katumbas ng isang room ang opisina ng USG. Nakatayo ang tatlo sa tapat ng pintuan, magkakaakay ang mga braso. Nilibot ni Andrea ang paningin sa kuwarto; may anim na tao sa opisina, yung babaeng nagpapasok sa kanila ang kumuha sa log book na nakapatong sa side table sa malayong sulok ng silid. May dalawang babae na nasa kabilang panig ng mababang divider. Sa maliit na sofa, nakaupo ang isang di pamilyar na babae, kausap ang dalawang lalaki na nakaupo sa mahabang sofa sa may coffee table. Isa sa dalawang lalaking yun ang Senator na tinutukoy ni Ramelyn, ang isa naman ay si... Shit! Oo nga pala, dito nga rin pala siya nag-aaral. Bakit nakalimutan ko yun? Ang tanga ko!


Napahigpit ang hawak ni Andrea kay Kristine, at bumulong siya sa kaibigan. "Si Kiko."