Get me outta here!

Ang Gitara

You'll see I'm crazy for you, touch me once and you'll know it's true, I never wanted anyone like this, its so brand new, you'll feel it in my kiss, I'm crazy for you...

Magta-tatlong buwan na ring nakapatong ang gitarang iyon sa kanyang mesa, ina-alikabok na nga at kinakalawang na ang mga kwerdas, may ngatngat na rin ng daga ang liigan nito, at may bahagyang lamat sa likuran nang minsang nahulog ito sa sahig. Ang dati nitong makintab na kulay ay unti-unti na ring nangungupas, marahil nga ay hindi na ito makakalikha pa ng magagandang awitin, sa itsura pa lamang ay mukhang wala na ito sa tono. Lagot! Siguradong magagalit nito si Anthony, lalo na kapag nalaman niyang pinababayaan ni Rona ang kanyang gitara.

May tatlong buwan na rin mula ng huling hawakan ni Tony ang gitarang ito. Tumugtog siya ng magandang awitin, na sinabayan naman ni Rona ng magandang tinig. Isang napakagandang rendisyon ang kanilang nilikha, ngunit ngayon ay hindi ko na naririnig pang inaawit nila Tony ang kantang ito. Marahil ay nakalimutan ni Rona ang titik, o baka naman si Tony ang nakalimot ng tono, hindi ko sigurado. Ang sigurado ko lang ay tatlong buwan na ang nakalilipas, umawit si Rona ng ibang awitin, bagay na ikinabahala ni Tony. Mula noon ay hindi na siya nakikitang tumutungo sa bahay na iyan, mula noon ay wala nang tumutugtog sa gitarang yaon.

Pagkatapos nga noon ay iniwan na lang ni Rona ang gitara sa ibabaw ng mesa, wala na yata siyang balak na alisin ito doon. Binalak ni Rona na ilipat ito ng lalagyan ngunit nahulog lamang ito sa sahig, kaya’t muli niyang ibinalik sa mesa. Isa itong napakagandang gitara- noon. Noong sila Tony at Rona ay masaya pang lumalabas. Noong naghahawakan pa sila ng kamay. Noong hinahagkan pa nila ang isa’t-isa. Noong pareho nilang pinananabikan ang kanilang mga halik. Noong tuwing gabi’y pumupunta si Tony sa bahay na iyan upang tugtugin ang kanyang gitarang ipinaingat kay Rona, at buong magdamag ay pupunuuin nila ang gabi ng matatamis na awitin. Sayang nga at napabayaan na ang gitarang ito ngayon.

Ngunit hindi rin natin maaaring sisihin si Tony, marahil ay nasaktan siya sa ginawa ni Rona, kaya’t sukat ng iwanan niya ang gitarang iyon. Sayang ang gitara. Sayang.

Hinayaan lang ni Rona ang gitara na nabubulok sa ibabaw ng mesa, nakapagtataka nga sapagkat maaari naman niya itong itapon. Marahil ay nasa isipan pa rin niya ang masasayang sandali nila ni Tony, o marahil ay umaasa pa siyang balang araw ay babalik ito, kahit papaano’y babalik si Tony upang muling tugtugin ang gitara. Hindi man magkagayon ay babalik pa rin siya kahit para lang bawiin ang gitara. Kapag mangyari iyon ay marahil ikatutuwa na ni Rona. Sino ba namang hindi matutuwang makita muli ang iyong pinakamamahal?

Ngunit sa tingin ko ay hindi na babalik si Tony. Sa tingin ko lang.